Tumaas pa ang kaso ng dengue sa Tabuk City, Kalinga matapos na makapagtala na pinakamataas na bilang ng kaso sa tatlong linggo lamang
ngayong taon.

Ayon kay Celeste Mia Diasen, Assistant Coordinator ng CESU, umabot sa 148 ang bilang ng naitalang kaso sa nasabing lugar.

Kabilang aniya sa mga barangay na may pinakamataas na bilang ng kaso ay Bulanao, sinundan naman ng Malin-awa, Amlao, Agbannawag, at Nambucayan.

Ayon pa kay Diasen, ang pagtaas ng kaso ng dengue ay maaaring dahil na rin sa mga pag-ulan kung saan mas nagkakaroon ng pamugaran ang mga lamok na nagdadala ng dengue virus.

Batay sa datos ng CESU, mula Enero 1 hanggang Setyembre 7 aniya ay umabot na sa 879 kaso ng dengue ang naitala, halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa 318 na kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang fogging ng City Health Office sa mga barangay na may mataas na bilang ng kaso ng dengue.

Sinabi pa ni Diasen, habang nakakatulong ang fogging sa pagpatay ng mga lamok, hindi nito mapipigilan ang muling pagpasok ng mga lamok sa lugar kaya ang pinakamabisang paraan pa rin ay ang araw-araw na paglilinis ng paligid upang mapuksa ang mga posibleng breeding sites ng lamok.

Kasunod nito ay pinaaalalahanan din ang publiko na sundin ang 5S strategy laban sa dengue gaya ng search and destroy mosquito breeding sites, gumamit ng mga self-protection measures, magpakonsulta agad, panatilihing hydrated ang katawan, at magsagawa ng fogging kung kinakailangan.

Dagdag pa rito, pinapayuhan ang lahat na gumamit ng insect repellant, magsuot ng long-sleeved shirts at pantalon, at agad na magpatingin sa mga Rural Health Units kapag may lagnat upang maagapan ang sakit.