
Umabot na sa 1,161 ang naitalang kaso ng influenza like illness o trangkaso sa lalawigan ng Cagayan mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Nestor Santiago ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Provincial Health Office, ang pinakamarami ay sa Tuguegarao City na 231 cases.
Edad isa hanggang sampu naman ang may pinakamataas na bilang na tinamaan ng sakit.
Sinabi ni Santiago ang sanhi ng sakit ay dahil sa pabago-bagong panahon.
Ayon sa kanya, naikakalat naman ang nasabing sakit kung ang taong may sintomas ay pumapasok pa rin sa paraalan o sa trabaho.
Dahil dito, pinapayuhan ni Santiago ang publiko na sundin ang minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng mga kamay, paggamit ng alcohol bilang sanitizer at iba.
Sinabi ni Santiago na ang sintomas ng sakit ay sipon at ubo, pamamaga ng lalamunan, pananakit ng kasu-kasuan at ulo, minsan ay pagdudumi, at lagnat at panginginig.
Sinabi ni Santiago na sa kabila mataas na bilang ng sakit, hindi pa ito ikonokonsidera na public health concern, dahil sa kanilang weekly monitoring ay bumababa na ang mga kaso.
Samantala, sinabi ni Santiago, umaabot na rin sa 3,926 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Sa nasabing bilang, dalawa ang kumpirmadong namatay dahil sa dengue.










