Tuguegarao City- Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga COVID-19 suspected cases na nasa pangangalaga ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa panayam kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, mula sa dating 16 ay pito nalang ang natitirang bilang ng mga pasyenteng minomonitor ng CVMC.

Kabilang aniya sa mga suspect cases ay ang isang buwang sanggol na mula sa Cabagan isabela at anim na may edad na.

Paliwanag ni Baggao, stable ang kalagayan at kalimitan sa mga nararamdaman ng mga pasyenteng may edad ay ang Highblood, sakit sa puso at diabetes.

Sinabi pa nito na mula sa mga suspected patients na nauna ng nagnegatibo sa sakit ay wala ng bumalik at maayos na ang kondisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, bumalik na aniya sa dating bilis ng pagpapalabas ng resulta ng laboratory test ang Baguio General Hospital kaya’t inaasahan na sa lalong madaling panahon ay malalaman na ang resulta ng swab test ng 7 natitirang pasyente.

Nabatid pa na ito na ayon sa kanya ang ika-12 araw na wala ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Cagayan.

Umapela naman ito sa publiko na huwag maging kampante at panatilihin ang pagsunod sa mga ipinatutupad na alituntunin upang makaiwas sa banta ng virus na dulot ng COVID-19 pandemic.