Marami ang nagkakaroon ng sore eyes ngayon dito sa lalawigan ng Cagayan.

Sinabi ni Nestor Santiago ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit na 36 hanggang 40 kada araw ang naitatala nilang kaso ng sore eyes, pinakamarami ay sa Tuguegarao City at ang karamihan sa mga apektado ay mga bata.

Ayon kay Santiago, may ilang bata ang pinauwi ng kanilang mga guro sa ilang paaralan dahil sa sore eyes upang maiwasan ang hawaan sa loob ng silid-aralan.

Dahil dito, sinabi niya na kailangan na magsagawa ng pag-iikot ang mga opisyal ng mga eskwelahan upang makita ang kalagayan ng mga mag-aaral kung sila ay may sore eyes o iba pang sakit na nakakahawa.

Ayon sa kanya, kailangan na tutukan ang mga bata dahil sa mahina pa ang kanilang resistensiya at mabilis silang mahawa.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi naman ni Aisha Rowena Arce ng Department of Health Region 2 ang pagkakaroon ng sore eyes ay bunsod ng pabago-bagong panahon.

Ayon sa kanya, para maiwasan ito ay panatilihing malinis ang katawan, palagiang maghugas ng kamay o gumamit ng alcohol at huwag maniwala sa mga sinasabi na nakakagaling ng sore eyes ang pagpahid ng ihi, pinalamig na hamog at gatas ng ina.