Iniulat ng Department of Health na umabot na sa 1,627 ang kaso ng tigdas at rubella sa bansa mula Enero 4 hanggang Marso 21 ngayong taon, mas mataas ng 45 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2025.

Pinakamataas ang kaso sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may 344, sinundan ng Soccsksargen na may 322, at Davao Region na may 163.

Ayon sa DOH, 68 porsiyento ng mga kaso ay mula sa mga hindi nabakunahan. Sa kabuuan, nasa 66 porsiyento pa lamang ng target na populasyon ang bakunado, habang mahigit 821,000 ang hindi pa nabibigyan ng bakuna.

Naitala rin ang pagkamatay ng isang apat na buwang gulang na sanggol sa Quezon City dahil sa komplikasyon na may kaugnayan sa tigdas, ang unang kaso sa lungsod sa loob ng mahigit limang taon.

Bilang tugon, magsasagawa ang DOH ng immunization activities sa Luzon at Visayas at hinikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak at agad magpatingin kapag may sintomas.

-- ADVERTISEMENT --