Inilipat na sa Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang dalawang kaso ng katiwalian na kinakaharap ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Base sa impormasyon at dokumentong ibinahagi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, nagdesisyon si Capas, Tarlac RTC Branch 109 presiding judge Sarah Verdaña-delos Santos na ibalik sa executive judge ng Capas, Tarlac ang kaso ni Guo.

Mula dito ay nagdesisyon ang Capas, Tarlac na ipasa sa Valenzuela RTC ang kaso.

Ang desisyon na ito ng Capas Court ay base sa una nang ipinunto ni Tolentino na labag sa batas partikular sa Republic Act 10660, ang pagkakatalaga sa kanilang korte ng kaso ni Guo.

Batay kasi sa batas, ang isang kaso laban sa isang halal na opisyal ay hindi dapat ihain sa judicial region kung saan nakaupo ang akusadong halal ng bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kaso ni Guo, hindi dapat sa Capas, Tarlac nakahain ang kaso niya bilang dati siyang mayor ng Bamban, tarlac.

Ang Valenzuela court naman ang pinakamalapit nang korte na maaaring humawak ng kaso ni guo.

Sa impormasyon, sa Huwebes ng susunod na linggo nakatakdang i-raffle ng Valenzuela RTC ang kaso.

Dahil din sa ibinabang desisyon na ito ng Capas, Tarlac RTC ay hindi na tuloy ang dapat sana’y arraignment o pagbabasa ng sakdal at pre-trial ni Guo ngayong araw.