Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang katawan ng isang lalaking nalunod sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay PCPL Geramil Soler, imbestigador ng PNP Gonzaga, unang nagkaroon ng outing ang grupo ng biktimang si James Patric Soliven,27 anyos na residente ng Bargy. Taligan, Gattaran sa bahagi ng Sasa Beach sa nasabing bayan.

Matapos aniya silang mag-inuman ay nagpasya ang mga ito na maligo sa dagat at hanggang napansin ng isa sa kasama ni Soliven na unti-unti na siyang tinatangay ng malalakas na alon sa dagat.

Dahil sa matataas na alon ay hindi na siya nagawang masagip ng kanyang mga kasama at nang ipagbigay alam sa mga otoridad ay nagsagawa sila agad ng search and rescue operation ngunit hindi pa ito natatagpuan hangggang sa ngayon.

Sinabi ni Soler na nakipag-ugnayan na rin sila sa mga karatig bayan upang kung may mapadpad mang katawan ng biktima sa kanilang mga lugar ay agad na ipagbigay alam ito sa mga otoridad sa bayan ng Gonzaga.

-- ADVERTISEMENT --