Palutang-lutang na ang katawan ng isang lalaki nang matagpuan sa San Juan River sa Barangay Punta, Sta. Ana, Maynila nitong Miyerkules ng umaga, Hulyo 23.

Kinilala ang biktima na si Aries Flores, 30 anyos, isang pintor at residente ng Tabing Ilog, Kaingin Bukid, Apolonio Samson, Quezon City.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Sta. Ana Police Station 6, isang residente ang nakakita sa bangkay na lumulutang sa ilog at agad na ipinagbigay-alam ito sa mga awtoridad.

Lumabas sa imbestigasyon na Hulyo 21 pa huling nakita si Flores ng isang testigo na si Fatima Eser.

Aniya, bandang alas-3 ng hapon ay nakita niyang nakatayo ang biktima sa ibabaw ng isang bakod sa Tabing Ilog Street at aksidenteng nadulas patungo sa ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang ipinaalam sa barangay ang insidente upang humingi ng tulong para sa posibleng pagsagip.

Subalit, makalipas ang dalawang araw, wala nang buhay si Flores nang matagpuan, at matigas na ang katawan – indikasyon na siya ay nalunod, kasabay ng malakas na buhos ng ulan noong araw ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang matukoy ang lahat ng detalye sa likod ng trahedya.