TUGUEGARAO CITY-Nangutang pa ang isang katutubong agta ng pera sakanyang kapitbahay makapunta lamang dito sa lungsod ng Tuguegarao para maka-avail ng libreng pagpapakonsulta at gamot sa isinasagawang Bombo Medico ng Bombo Radyo Philippines.

Sa naging panayam kay Merlinda Dela Cruz, 50-anyos ng Brgy Dadda, Amulung,miembro ng mga katutubong agta, bagamat dalawang taon na niyang iniinda ang paglabo ng kanyang paningin, hindi umano niya magawang magpacheck-up dahil sa kawalan ng pera.

Dahil dito, sinabi ni Dela Cruz na naglakas loob na siyang umutang para mapatignan ang kanyang mata at maging ang mga iniindang sakit ng kanyang asawa sa Bombo Medico para hindi na lumala ang kanilang sakit.

Ayon kay Dela Cruz, hindi narin niya magawang bumili ng kanilang pagkain habang naghihintay ng kanilang pila dahil tinitipid na nito ang kanyang inutang na P500 para may pamasahe pa sila pauwi.

Aniya, may mga sarili na umanong pamilya ang dalawa nitong anak kung kaya’t silang mag-asawa na lamang ang magkatuwang sa buhay at tanging pakikitanim lang ng rubber tree ang kanilang hanap buhay.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na ito ang unang pagkakataon na nakilahok silang mag-asawa sa Bombo Medico ng Bombo Radyo Philippines.