
Ipinaliwanag ni Atty. Nicholas Kaufman, tagapagtanggol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ayon sa mga saksi ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC), ang terminong “neutralize” sa mga operasyon ng pulis ay nangangahulugang “arrest” o legal na pagpigil, hindi pagpatay.
Sa ika-3 araw ng confirmation of charges hearings sa Pre-Trial Chamber I, sinabi ni Kaufman na ang mga saksi P1158 at P1170 ay nagpatunay na ang neutralization ay tumutukoy sa “lawful restraint” o legal na pagkakakulong.
Dagdag pa niya, pinatunayan ng witnesses P1050 at P1174 na ang lethal force ay ginamit lamang kapag nanganganib ang buhay ng opisyal, alinsunod sa ordinaryong prinsipyo ng self-defense.
Binanggit din ni Kaufman ang pahayag ng dating hepe ng Philippine National Police at kasalukuyang senador na si Ronald “Bato” dela Rosa, na ang “neutralization” ay nakasaad sa PNP operational procedure manual bilang hakbang ng pulisya upang pigilan ang labag sa batas na agresyon gamit ang tamang antas ng puwersa at prinsipyo ng proportionality.
Ani Kaufman, tumutulong ang naturang depinisyon na ipakita na ang terminong “neutralize” ay bahagi na ng police vocabulary bago pa man ang administrasyon ni Duterte at hindi eksklusibong nagsasaad ng pagpatay.
Dagdag pa niya, hindi naglabas ang Supreme Court ng anumang desisyon na idineklarang unconstitutional ang drug war o nagsasabing ang “neutralize” ay nangangahulugang patayin.










