
Muling nagpakitang-gilas si 13-anyos na Filipina speed skater Keirsten Fernandez matapos masungkit ang kaniyang ikalawang gintong medalya sa 2026 Asian Open Short Track Speed Skating Trophy sa India.
Nanguna si Fernandez sa Junior C Girls’ 777-meter event matapos itala ang oras na 1:19.989. Pumangalawa si Rachel Yi Lin Tan ng Australia sa 1:20.749, habang nagtabla sa ikatlong puwesto sina Matsuri Kinasih ng Indonesia at Jacey Yeung ng Hong Kong sa 1:20.779.
Noong Miyerkules, nakuha rin ni Fernandez ang gold medal sa 1,000-meter event sa parehong kategorya, na naging kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa naturang torneo.
Samantala, nagdagdag din ng silver medal si 23-anyos Xsandrie Guimba matapos pumangalawa sa Senior Women’s 1,000-meter event sa oras na 1:52.003.
Nasungkit naman ni Thanutchaya Chatthaisong ng Thailand ang gold, habang bronze si Yuchen Liu ng China.
Sa kabuuan, umabot na sa apat ang medalya ng Pilipinas sa torneo, kabilang ang bronze medal ni 8-anyos Zymone Zurbito sa Junior F Boys’ 333-meter event.




