Dapat tingnan o ituring na pagnanakaw ang pagkakaroon ng “allocables” sa national budget, lalo pa’t ito ay dahil sa inaasahang kickback para sa mga proponent nito, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.

Sinabi ni Lacson na ang sinumang opisyal ng pamahalaan na magpasa ng “wish list” sa mga proyekto sa umano’y pagsubok na makakuha ng komisyon o kickback mula sa “allocable” funds ay katumbas ng pagnanakaw sa bansa.

Ang pahayag ng senador ay kasabay ng nakatakdang pagbubukas ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sa “Cabral files” bukas, Enero 19.

Sa kabila ng pahayag, nilinaw ni Lacson na bagamat walang problema sa mga mambabatas para humiling ng pondo para sa mga proyekto, ang mga request na ito ay dapat gawin na habang inihahanda pa lamang ang National Expenditure Program (NEP).