
Inirekomenda na ng Reserve Command ng Philippine Army ang delisting ni Cong. Kiko Barzaga bilang military reservist.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, ito ay matapos ang masusing imbestigasyon hinggil sa kaniyang post sa social media na tila nag-uudyok sa AFP, PNP, at mga reservist na sumama sa anti-corruption protest noong September 21.
Si Barzaga, ay may ranggong Private at naging reservist noong January 10, 2025 sa ilalim ng National Capital Region Regional Community Defense Group.
Paliwanag ni Dema-ala, hindi maaaring makilahok sa anumang protesta ang isang active reservist, lalo na kung ginagamit ang kanyang pangalan at unit na kinabibilangan, dahil ito ay maituturing na representasyon ng institusyon.
Dagdag pa niya, kabilang sa mga paglabag na ito ang pagiging dahilan para masampahan ng kaukulang parusa, kabilang ang posibilidad na maalis sa reserve force.
Nakasaad ito sa GHQ Standard Operating Procedure No. 07 na nilabag ng kongresista.