
Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa mga senador na kabilang sa kampo ni Senador Alan Peter Cayetano na suportahan si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President upang maresolba ang umiiral na sigalot sa Senado.
Ayon kay Pangilinan, dapat tularan ng Cayetano bloc si dating Senate President Senador Francis “Chiz” Escudero na sumama sa kampo ni Gatchalian. Aniya, kwalipikado si Gatchalian sa posisyon at makatutulong ito upang maibalik ang kaayusan at katatagan sa Senado.
Pinuna rin ni Pangilinan ang isinagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ng kampo ni Cayetano kaugnay ng umano’y flood control scam. Iginiit niyang walang sapat na dokumentasyon ang naturang pagdinig kaya’t kuwestiyonable ang naging proseso nito.
Samantala, sinabi ni Pangilinan na pag-uusapan pa ng kanilang grupo kung dapat bang mag-inhibit si Senador Erwin Tulfo sa mga susunod na pagdinig matapos itong italaga bilang bagong chairman ng Blue Ribbon Committee sa ilalim ng kampo ni Gatchalian.
Nakatakdang ipagpatuloy sa Hunyo 8 ang pagdinig hinggil sa umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control project.




