
Naglabas ng babala ang Food and Drug Administration (FDA) ng Thailand laban sa kilalang Hong Thai Herbal Mixed Balm Formula 2 (registration blg. G309/62) na gawa ng Hong Thai Panich, matapos makitaan ng kontaminasyon sa mga sample ng produkto.
Ayon sa ulat ng Bangkok Post, kinuha ang mga sample ng nasabing inhaler mula sa pasilidad ng paggawa at ipinadala sa Department of Medical Sciences para sa pagsusuri.
Lumabas sa resulta ng pagsusuri na lumampas sa pinahihintulutang antas ang produkto sa tatlong kategorya—total aerobic microbial count, total combined yeasts and mold count, at Clostridium spp.
Dahil dito, idineklara ng Thai FDA na hindi pumapasa sa pamantayan ang produkto sa ilalim ng Herbal Product Act of 2019.
Sa opisyal na pahayag ng Hong Thai Panich noong Oktubre 28, sinabi ng kumpanya na inaalis na nila sa merkado ang mga produktong kabilang sa kontaminadong batch.
Ayon kay Deputy Secretary-General at acting FDA head Withit Supachaiyagul, hindi nakatugon ang nasabing produkto sa manufacturing at safety regulations at ipinagbabawal na gamitin.
Ang nasabing batch, na may production batch No. 000332, ay binubuo ng humigit-kumulang 200,000 unit na ginawa noong Disyembre 9, 2024, at may petsa ng expiration sa Disyembre 8, 2027.
Samantala, kinilala at iginagalang naman ng Hong Thai Panich ang naturang resulta ng pagsusuri ng Thai FDA.
Sinabi pa ng kumpanya na binawi na nila ang mga apektadong mga produkto mula sa merkado at nakikipag-ugnayan na sila sa FDA para sa pagsira sa mga ito.
Ayon pa sa Hong Thai Panich, pinalakas na nila ang kanilang proseso ng produksyon at kontrol sa kalidad, kabilang ang paggamit ng UV sterilization, upang matiyak na ligtas at mataas ang kalidad ng lahat ng kanilang produkto.
Samantala, pinaalalahanan ng FDA Philippines ang publiko na bisitahin ang kanilang opisyal na website upang makumpirmang aprubado sa pamantayan ng FDA ang anumang produktong balak gamitin.




