
Kinumpirma ng expedition company na Elite Exped na nasawi ang lahat ng 10 miyembro ng mountaineering expedition na natabunan ng avalanche sa Broad Peak sa Pakistan noong Huwebes.
Kabilang sa mga nasawi ang kilalang British-Nepali climber na si Nirmal “Nims Dai” Purja, isa sa pinakatanyag na mountaineer sa mundo.
Ayon sa Elite Exped, patuloy ang operasyon ng search and rescue teams upang marekober ang mga labi ng mga biktima sa kabila ng matinding kondisyon ng panahon.
Sa pahayag ng kompanya, inilarawan si Purja bilang isang lider na nagbigay ng inspirasyon sa milyon-milyong tao sa pamamagitan ng kanyang tapang, kababaang-loob at paniniwalang higit pa sa inaakala ang kakayahan ng tao.
Nagpahayag din ito ng pakikiramay sa pamilya ng lahat ng mga nasawi.
Naunang natagpuan ng mga rescuer ang apat na bangkay, tatlo sa mga ito ay naibaba noong Biyernes. Gayunman, naging mahirap ang search operation dahil sa masamang panahon na nakaapekto sa paglipad ng mga rescue helicopter.
Ayon kay Irfan Arshad Khan, pangulo ng Alpine Club of Pakistan, malaking kawalan sa pandaigdigang komunidad ng mountaineering ang pagkamatay ng mga climber mula sa iba’t ibang bansa na pinag-isa ng kanilang pagmamahal sa pag-akyat ng mga bundok.
Pinangunahan ang expedition ni Purja, na dating sundalo ng British Army at nakilala sa buong mundo matapos niyang maakyat ang 14 na pinakamataas na bundok sa mundo sa loob lamang ng 189 na araw noong 2019.
Itinampok ang kanyang tagumpay sa Netflix documentary na “14 Peaks: Nothing Is Impossible.”
Unang iniulat na nawawala ang hindi bababa sa 10 climbers kabilang si Purja noong Hulyo 31 matapos ang isang pinaghihinalaang avalanche sa Broad Peak, isa sa pinakamataas at pinakamahirap akyatin na kabundukan sa Pakistan.




