
Naniniwala si House spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang umano’y pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga alegasyon ng 18 maleta boys ay pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, prayoridad ngayon ng Senado ang pagdinig sa Articles of Impeachment dahil pormal na itong nakapagtatag bilang impeachment court.
Nilinaw ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Erwin Tulfo na walang nakatakdang pagdinig noong Hunyo 16 at hindi nito inaprubahan ang kumalat na anunsyo sa social media.
Dahil dito, sinabi ni Adiong na pinatutunayan lamang ng pahayag ng komite na hindi opisyal ang naturang aktibidad.
Aniya, layunin din ng mga alegasyon na kuwestiyunin ang kredibilidad ng House prosecution team at guluhin ang usapin tungkol sa impeachment proceedings.









