Malaki ang itinaas ng kita ni US President Donald Trump mula sa kanyang mga negosyo habang muli siyang nanunungkulan sa White House, ayon sa pinakahuling financial disclosure ng US Office of Government Ethics.

Lumobo sa halos 77.5 milyong dolyar ang kita mula sa kanyang Mar-a-Lago resort sa Florida, habang umabot naman sa humigit-kumulang 122 milyong dolyar ang kinita ng Trump National Doral golf resort. Ayon sa ulat, tumaas ang kita ng mga resort dahil sa pagdami ng political fundraisers, pagtitipon ng mga negosyante at dayuhang bisita, at pagtaas ng membership fee sa Mar-a-Lago sa 1 milyong dolyar.

Mas malaki pa rito ang iniulat na kita ni Trump mula sa kanyang cryptocurrency ventures na umabot sa mahigit 1.4 bilyong dolyar, kabilang ang $TRUMP memecoin at World Liberty Financial. Dahil dito, muling umusbong ang usapin sa posibleng conflict of interest, bagama’t iginiit ng White House na hindi nakikialam si Trump sa pamamahala ng kanyang mga negosyo at ang lahat ng desisyon ng administrasyon ay para sa kapakanan ng mamamayang Amerikano.