Naglabas ng anunsyo ang Malacañang na suspendido ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Hulyo 23, 2025 sa ilang bahagi ng bansa dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ang suspensyon ay base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Quezon, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Nueva Ecija.

Sa Bicol at Visayas naman, sakop ang Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental.

Samantala, mananatiling bukas at operational ang mga ahensyang may kaugnayan sa kalusugan, seguridad, at disaster response.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayagan din ang mga government employees na hindi kabilang sa vital services na magtrabaho sa ilalim ng alternative work arrangements.

Binigyang kapangyarihan din ang mga lokal na opisyal sa ibang bahagi ng bansa na magdeklara ng localized suspension batay sa kanilang sitwasyon.

Para naman sa mga pribadong kumpanya, ipinauubaya sa kanilang pamunuan ang desisyon kung magpapatuloy o magsususpinde ng trabaho sa nasabing petsa.