TUGUEGARAO CITY-Suspendido ang klase sa lahat ng antas(pre-school hanggang graduate school) sa Cagayan, pampubliko at pribadong eskwelahan bukas, Araw ng Miyerkules, Hulyo-17 dahil sa bagyong “Falcon”.

Sa naging panayam kay Rogie Sending, tagapagsalita ng Cagayan Provincial Information Office, ipinag-utos ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang suspensiyon batay narin sa rekomendasyon ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office.

Ayon kay Sending, layon nitong mailayo ang mga mag-aaral sa kapahamakan na maaring dulot ng bagyong Falcon.

Bukod dito, sinabi ni Sending na agad ding nagpatupad ng “LIQUOR BAN” para makaiwas sa anumang panganib.

Aniya,karamihan umano kasi sa mga naiuulat na biktima ng bagyo ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, agad na ipinatupad ang liquor ban para walang maitalang casualty dahil sa bagyong falcon.

Samantala, sinuspinde narin ni Apayao Governor Eleanor Begtang ang klase sa lahat ng antas, pribado at pampublikong paaralan sa Apayao bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng bagyong Falcon.

Sa ngayon, itinaas na ang tropical cyclone signal number two sa northeastern portion ng Cagayan, kasama na ang Babuyan Group of Islands habang Signal number one naman sa Batanes, nalalabing lugar sa Cagayan, northern portion ng Ilocos Norte, northern portion ng Abra, Apayao, Kalinga, Isabela, eastern portion ng Mt. Province at eastern portion ng Ifugao.