TUGUEGARAO CITY-Ipinag-utos ni Mayor Maila Ting Que ng Tuguegarao City ang suspension ng klase sa lahat ng antas ngayong araw na ito kasunod ng lindol kaninang umaga.
Kasabay nito, sinabi ni Mayor Que na nasa discretion na ng mga government at private offices kung magsuspindi rin sila ng pasok.
Sinabi ni Que na ito ay para mabigyang daan ang inspeksion sa mga infrastrukture at mga gusali at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Intensity 5 ang lakas ng lindol na naramdaman dito sa lungsod ng Tuguegarao..
Kaugnay nito, agad naman na pinalabas ng mga guro ang mga estudyante bunsod ng lindol at aftershock.
Dahil sa pagyanig ay may ilang classrooms sa Cagayan National High School ang nagkaroon ng bitak.
Nagsilabasan naman ang mga kawani at pasyente ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) mula sa ikaapat na palapag ng pagamutan at nasa kanilang out patient clinics dahil sa naranasang pagyanig.
Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC, nasa ligtas naman na kalagayan ang mga pasyente na hindi nakalabas na nasa kanilang mga wards.
Sinabi pa ni Antonio na suspended muna ang kanilang out patient department consultation ngayong araw na ito bunsod ng lindol ngunit tatanggap pa naman sila ng emergency cases.
Agad din na nagsagawa ng inspeksiyon sa mga gusali ang kanilang mga engineers para matiyak ang kaligtasan ng mga kawani at pasyente.
Samantala, batay sa advisory ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, nananatiling intact ang Luzon grid dahil wala umanong report ng power interruptions at nasirang mga transmission facilities sa mga lugar na naramdaman ang pagyanig.