Suspendido ng dalawang araw ang face to face classes ng mga studyante dito sa lungsod ng Tuguegarao na magsisimula ngayong araw hanggang bukas.

Ayon kay Mayor Maila Ting Que ng Tuguegarao City, ito ay matapos magkaroon ng scheduled power intteruption ng dalawang araw at dahil na rin sa naitatalang mataas na heat index dito sa lungsod kung saan umabot pa ito ng 44C nitong nakaraang araw.

Kawawa aniya ang mga studyante at guro kung papasok silang sobrang init at wala pang kuryente.

Bagama’t wala munang pasok ng dalawang araw ay mayroon rin mga magsasagawa ng online classes upang hindi maabala ang klase lalo na ang mga may kailangang tapusin bago pa man matapos ang school year.

Bukod pa rito ay hinikayat at nakausap na rin ng alkalde ang mga pribadong eskwelahan at higher education institutions para magpatupad din nito ngunit ilan sa mga ito ay nagdesisyon na ituloy parin ang face to face class dahil gumagamit naman sila ng aircon sa kanilang classroom at may generator habang may mga ilan din na pinili na lamang ang online blended learning.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag pa ni Mayor Que na nararapat lamang din na magkaroon ng basehan sa pagkakansela ng klase dahil sa init kung saan inihalimbawa nito na kapag umaabot sa 38-39 degrees celcius ang heat index ay kalahating araw na walang pasok habang kapag ang naiatala naman ang heat index na 40-48 degrees celcius ay buong araw na walang pasok upang hindi na magkalituhan ang mga eskwelahan at alam na agad ang gagawin na hakbang.

Samantala, nagbigay rin ng P2,000 ang pamahalaang panlungsod ng tuguegarao sa bawat atleta sa lungsod na makikilahok sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) upang magsilbing suporta at tulong sa mga ito bukod pa sa mga gamit panlaro, jacket,payong, shorts at iba pa.