Hindi kuntento ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paglagda sa New Agrarian Emancipation Bill na may layuning makawala sa pagkakautang ang mga farmer-beneficiaries ng agrarian reform program.

Sinabi ni Danilo Ramos, chairperson ng KMP na bagamat welcome development ang naging hakbang ng pangulo ay kulang pa ito para isulong ang kapakanan ng mga magsasaka dahil hindi pa umano natatamasa ng mga ito ang tunay na reporma sa sektor ng agrikultura at pagsasaka.

Ayon sa kanya, sana ay gawing urgent din ni Marcos ang Genuine Agrarian Reform Bill o Free Land Distribution Bill na nakabinbin pa rin sa kongreso.

Sinabi niya na nakasaad sa panukalang batas ang pagbuwag sa land monopoly at pagbibigay ng suportang serbisyo sa mga magsasaka.

Binigyan diin niya na hanggang ngayon ay libu-libo pa ring lupain ang hawak o nasa pamamahala ng iilang katao at malalaking agri-business

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Ramos na hindi matitigil ang smuggling ng mga agricultural products sa bansa kung walang political will ang ating mga lider para habulin at panagutin ang mga sangkot dito kabilang ang mga kasawat na mga opisyal ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, nakakadismaya na sa kabila na may isinumite si dating Senate President Tito Sotto na report sa kanilang isinagawang pagdinig sa smuggling kung saan ay may mga nabanggit na mga pangalan ng mga sangkot na mga opisyal at ilang indibidual ay hanggang ngayon hindi pa sila napaparusahan.

Bukod dito, sinabi niya na dapat na bawasan kung hindi man itigil ang importasyon ng mga agri-products na pumapatay sa mga magsasaka sa bansa.

Dahil dito, sinabi ni Ramos na ang nais nilang marinig sa State of the Nation Address ni Marcos ay ang pag-aaral at pagrepaso sa Rice Liberalization Law, huwag pirmahan ang Maharlika Investment Fund na tinawag niyang Marcos Investment Fund, i-repeal ang NTF-ELCAC dahil maging ang mga magsasaka ay nire-red tag na mga terorista at huwag ituloy ang pagtatayo ng karagdang EDCA sites sa bansa.