Nagpaliwanag ang Kingdom of Jesus Christ sa pagsuko ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, chief legal counsel ng KOJC na ayaw umano ni Quiboloy na magpatuloy ang karahasan sa loob ng compound ng simbahan sa Davao City.
Ayon sa kanya, ang pagsuko ay “ultimate sacrifice” umano ni Quiboloy dahil sa hindi niya matiis ang paghihirap ng kanyang mga tagasunod sa loob ng ilang araw.
Sinabi niya na ayaw na umano ni Quiboloy na makita ang mistulang “police garrison” sa KOJC compound matapos na isilbi ng mga pulis ang search warrant.
Dahil dito, nagpasiya umano si Quiboloy na sumuko sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Bukod sa wanted si Quiboloy sa United States sa mga kasong sex trafficking, fraud at iba pang krimen, siya ay may warrants of arrest mula sa Senado dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig sa alegasyon ng pang-aabuso sa KOJC at sa dalawang korte dahil sa child at sexual abuse at human trafficking.
Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP sa kanilang custodial facility.
Una rito, sinabi ni PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, na sumuko si Quiboloy at kanyang mga kapawa akusado matapos na magbigay ng ultimatum ang PNP na papasukin ang isang gusali na ayaw papasukin ang mga pulis.
Ayon sa kanya, nagkaroon ng negosasyon ang PNP, kinatawan ng intelligence group at ISAFP na nagresulta sa payapang pagsuko ni Quiboloy at apat na iba pa.
Sinabi ni Fajardo na nakita sina Quiboloy sa loob mismo ng compound ng KOJC.