Umabot na sa P9.49 billion ang koleksiyon ng bureau of internal revenue o bir revenue 3 mula enero hanggang Agosto ngayong taon kung saan mas mataas ito ng 13.02 percent kumpara sa P8.40 billion na collection performance sa kaparehong panahon noong 2023.
Nanguna sa performance ang Revenue District Number 15 sa Isabela na may P4.34 billion, sinundan ng Revenue District Number 13 sa Cagayan/Batanes na may P3.44 billion, Revenue District Number 14 sa Nueva Vizcaya na may P1.28 billion, at Revenue District Number 16 sa Quirino, na nag-ambag ng P412.8 milyon.
Iniugnay ni Assistant Regional Director Nasrollah Conding ang pagtaas ng koleksyon ng buwis sa pinaigting na mga kampanya at estratehiya na naglalayong hikayatin ang mga business operator na tuparin ang kanilang mga obligasyon sa buwis.
Sinabi ni conding na lumago ang koleksiyon sa buwan ng Agosto matapos na malagpasan ng bawat Distrito ang kanilang target collection sa naturang buwan.
Sa Cagayan Valley Region, ang pangunahing pinagmumulan ng kita sa buwis ay ang mga withholding tax mula sa mga empleyado, na sinusundan ng mga kontribusyon mula sa mga business establishment. Ang mga kumpanya ng pagmimina na nag-ooperate sa rehiyon ay direktang nagpapadala ng kanilang mga buwis sa BIR central office, dahil sila ay nasa ilalim ng large’ taxpayer category.
Kumpiyansa naman si Conding na malalagpasan ng ahensiya ang collection target para sa taon dahil sa Magandang performance collection sa nakalipas na tatlong quarter.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pamumuhunan sa digital transformation, pagpapasimple ng tax code, at pagpapalawak ng tax base upang higit pang mapahusay ang mga pagsisikap sa pagkolekta at suportahan ang long-term fiscal sustainability.