Inamin ni AGAP Partylist Representative Nicanor Briones na siya ang mambabatas na nahuli-cam na nanonood ng sabong sa kaniyang cellphone habang dumadalo sa sesyon ng Kamara de Representantes noong Lunes.

Pero paglilinaw niya, hindi e-sabong na may sugal ang kaniyang pinapanood.

Ayon sa kanya, malinis ang kanyang konsensiya at iginiit na hindi siya nagsasabong, at hindi rin umano siya pumupunta sa mga sabungan.

Idinagdag pa niya na wala siyang money transfer online para sabihin na siya ay sumasali sa e-sabong.

Paliwanag ni Briones, ipinadala sa kaniya ng kamag-anak ang video na nag-iimbita sa kaniya na mag-sponsor ng isang derby o laban ng mga manok.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Briones na may gustong sumabotahe sa kanya dahil sa marami na umano siyang nakabangga na sangkot sa iligal na mga aktibidad tulad na lamang sa smuggling.

Bukod dito, sinabi niya na tinanggihan niya ang imbitasyon sa kanya dahil sa hindi naman siya nagsasabong.

Humingi ng paumanhin si Briones sa Kamara at sa publiko dahil sa nangyari.

Pinapatawad din niya ang kumuha ng video na nakita siyang nanonood ng sabong at ikinalat nang wala siyang pahintulot.

Sinabi niya na paglabag umano ito sa Data Privacy Act.

Kasabay nito, binalaan niya ang kumuha at nagpakalat ng video na huwag nang ulitin ito dahil sa gagawa na siya ng hakbang at posibleng makulong.