Binigyang-diin ng isang kongresista na itigil na ni Senator Ronald dela Rosa ang pagtatago sa likod ng palda ni Vice President Sara Duterte at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya may kaugnayan sa drug war ng Duterte administration.

Sinabi ito ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop matapos sabihin ni dela Rosa na ang mga testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa quad committee ay bahagi ng demolition job at puntirya ang bise presidente at kanyang mga kaalyado sa 2028 elections.

Iginiit ni Acop na walang demolition job, sa halip ay mga lehitimong mga katanungan na nangangailangan ng malinaw na mga sagot.

Ipinaliwanag din niya na ang focus ng pagdinig ay upang malaman ang katotohanan sa likod ng extra judicial killings at human rights violations sa panahon ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang koneksion nito sa illegal Philippine offshore gaming operators (Pogos) at sa drug trade.