Inaresto ng mga awtoridad ang isang kasalukuyang municipal councilor ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagpatay sa dalawang barangay opisyal noong Agosto 2023.
Kinilala ang suspek na si “Allan,” 44-anyos, na nahuli sa isang joint operation noong Oktubre 11 sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, batay sa warrant of arrest mula sa Shariff Aguak Court.
Si Allan at 21 iba pa ay inakusahang nasa likod ng pagpapasabog na tumama sa grupo ng mga barangay opisyal sa Sitio Patawali, Barangay Ganta, Sharif Saydona.
Nasawi sa insidente si Barangay Captain Jun Silongan ng Brgy. Penditen at si Kagawad Salik Katua, habang walong iba pa ang sugatan.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), si Allan ay ika-pitong most wanted person sa Bangsamoro Region dahil sa dalawang kaso ng murder. Walang piyansang inirekomenda para sa kanyang paglaya.