Photo credits to Msgr. Gerry Perez

TUGUEGARAO CITY-Sisimulan na ang konstruksiyon ng mga bahay sa relocation site ng mga naapektuhan ng landslide kasabay nang naranasang malawakang pagbaha sa bayan ng Baggao, Cagayan nitong nakalipas na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Msgr. Gerry Perez, Kura Paroko ng Saint Joseph the worker sa Brgy. San Jose, Baggao, sa tulong ng “project salinong” ng simbahan ay isasagawa ang blessing at groundbreaking ceremony bilang hudyat ng pagsisimula ng proyekto sa Pebrero 14, 2021 sa Brgy. Taytay.

Ayon kay Msgr. Perez na may lawak itong 1.5 ektarya na kayang pagpatayuan ng 83 bahay na duplex.

Ang buong duplex na nagkakahalaga ng P150,000 ay paghahatian ito ng dalawang pamilya.

Nagpasalamat naman si Msgr. Perez sa mga donors maging sa LGU-Baggao at  may-ari ng lupa dahil sa pagpayag na ibenta ito para mabigyan ng tirahan ang mga pamilya na-displaced na nananatili pa rin sa evacuation center sa Taytay Elementary School simula pa noong buwan ng Nobyembre 2020  dahil sa banta ng landslide. 

-- ADVERTISEMENT --

Nag-realign umano ang LGU-Baggao ng P2.4 milyon para sa naturang relocation site na nakalaan sana na ipambili ng fire truck.

Sinabi ni Perez na nasa 129 pamilya ang isinumiting listahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na hindi na pinayagang bumalik sa kanilang bahay dahil nasa critical area ang mga ito.

Kung kayat kailangan pa ang karagdagang lupain na gagawing relocation site para sa hindi ma-a-accommodate sa mga ipapatayong units sa Brgy. Taytay

Bukod dito, inaayos na rin umano nila ang relocation site ng nasa apat hanggang anim na pamilya na apektado rin ng landslide sa Brgy. Asassi habang 11 pamilya naman sa Brgy. Bitag Grande.