Pormal nang sinimulan ngayong araw ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiyal na press-conference ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” sa pasilidad ng Integrated Bar of the Philippines.
Sa panayam ng Bombo Radyo, siniguro ni incoming IBP President Atty. Domingo Egon Cayosa na mananagot sa batas ang nasa likod ng paglantad ni Bikoy sa media gamit ang pasilidad ng organisasyon.
Iginiit ni Cayosa na walang pahintulot mula sa kanya o sa IBP Board of Governors ang naturang press-conference at hindi kokonsintihin na magamit ang organisasyon ng mga abugado sa interes ng ilang indibidwal.
Samantala, inaantay pa ni Cayosa ang kopya ng isinampang disbarment case laban sa kanya at kay outgoing President Abdiel Dan Fajardo.