Tututukan ngayong ikalawang araw ng 49th ASEAN Summit ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China, kasunod ng pagbubukas ng serye ng mga pagpupulong ngayong araw.

Nakatakda sa alas-10 ng umaga ang 29th ASEAN-China Summit sa Philippine International Convention Center (PICC), na susundan ng mga pulong kasama ang United Nations, Australia at South Korea.

Ngayong gabi naman, pangungunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang pagtanggap sa mga lider para sa gala dinner. Magkakaroon muna ng group photo bago ang talumpati ng Pangulo.

Sa unang araw ng summit kahapon, kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang krisis sa Myanmar at seguridad sa suplay ng enerhiya sa rehiyon.

Itinulak ng mga lider ang pagpapatupad ng Five-Point Consensus upang matigil ang karahasan at maibalik ang kapayapaan sa Myanmar. Mananatili namang limitado ang political representation ng bansa sa mga pulong ng ASEAN hangga’t walang makabuluhang progreso sa pagpapatupad ng kasunduan.

-- ADVERTISEMENT --

Tinalakay rin ang pagpapalakas ng suplay ng enerhiya, kabilang ang pagpapabilis ng mga proyekto para sa koneksyon ng mga power grid at paggamit ng renewable energy, sa gitna ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at kuryente sa ekonomiya at pang-araw-araw na gastusin.

Nilagdaan din ng mga bansang ASEAN ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) upang palakasin ang digital trade at ekonomiya sa rehiyon.

Ipinakilala rin ang bagong disenyo ng ASEAN emblem at flag kasunod ng pagpasok ng Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng samahan.

Mahigit 150 dokumento naman ang inaprubahan at kinilala ng mga lider sa unang araw ng summit.