Nanawagan ng kooperasyon sa publiko ang Philippine Statistics Authority kasabay ng pagsisimula ng 2024 Population Census at Community-Based Monitoring System sa Lunes, July 15 na magtatagal hanggang September 15.

Ayon kay PSA-R02 Director Girme Bayucan, layon ng dalawang aktibidad na tukuyin ang tamang bilang ng populasyon o i-update ang 2020 Census of Population at para matukoy ang mga benepisaryo ng mga social services ng pamahalaan na target ibigay sa pamahalaan hanggang sa buwan ng Enero, 2025.

Kung kaya mahalagang makolekta ang tamang datos sa bawat kabahayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng publiko sa pagsagot ng mga questionaires sa Computer-assisted personal interview na tatagal ng 40 minutes hanggang isang oras.

Sinabi ni Bayucan na nakatuon sa bilang ng miyembro ng pamilya, kanilang edad at edukasyon ang Population Census habang sa datos naman ng kanilang pinagkakakitaan ang CBMS.

Ang bawat datos ay magiging basehan para sa economic plan at mga programa o proyektong ipatutupad ng lokal at national government.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Bayucan na 3K enumerators ang nakahanda na para sa kanilang deployment sa rehiyon na sumailalim sa dalawang Linggong pagsasanay habang 6-days naman sa mga supervisors.

Tiniyak naman ni Bayucan na lahat ng datos na makokolekta ay mananatiling confidential.