Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang kanilang koordinasyon sa mga seed companies at law enforcement agencies upang mabantayan ang pagbebenta ng mga unauthorized na binhi at mga abono sa merkado.
Ito ay matapos ang isinagawang pulong ng DA Region 2 kasama ang mga kinatawan mula sa ibat ibang mga kaukulang ahensya at establishimento kung saan tinalakay ang paglalatag ng mga hakbang upang masolusyonan ang problema sa pagbebenta ng mga pekeng produktong pang-agrikultura.
Una rito ay naiulat kamakalawa ang pagkakahuli ng isang lalaki sa bayan ng San Manuel, Isabela na naaktuhang nagbebenta ng government issued at government owned na mga abono na hindi ipinagbibili at ipinamamahagi ng libre sa mga magsasaka kung saan nasamsam ang mahigit 130 sako at bag ng iba’t-ibang variety ng abono na nagkakahalaga ng P250,000.
Ayon kay Engr. Monico Castro, Field Operations Division Chief ng ahensya, matapos ang isinagawang pulong ay napagkasunduan ng mga kinauukulan ang pagpapalakas sa corporate security team ng mga seed companies upang mabantayan ang bentahan ng mga binhi at mga abonong may tatak na not for sale at iba pang mga pekeng produkto.
Sa pamamagitan nito ay makakabuo naman aniya sila ng independent investigation report na isusumiti sa mga law enforcement units na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon at monitoring upang magawan ng kaukulang mga hakbang para mahuli ang mga gumagawa ng iligal.
Inihayag pa ni Castro na isa rin sa inirekomenda ay ang pagbili sa mga basyo ng sako ng mga binhi at abono ng mga magsasaka kapalit ng insentibo para hindi na muling magamit pa ang mga ito sa paggawa ng iligal at pagpupuslit ng mga pekeng produkto.
Saad niya, lumalabas kasi sa report na isa sa mga pamamaraan ng mga sangkot sa iligal na kalakalan ay ang pagbili ng mga sako ng abono at binhi na wala ng laman upang magamit nilang muli at kakargahan ng mga kahalintulad na produkto na peke at mababa ang kalidad.
Ipinunto nito na seryoso ang pamahalaan sa pagtugon sa naturang usapin lalo na at isinusulong ngayon ang pagpapaunlad sa food sufficiency ng bansa at sakaling peke at mababang kalidad ang ibebenta sa mga magsasaka ay maapektohan na ng labis ang target productivity volume sa mga produktong pang-agrikultura sa bansa.