Ibinasura ng Supreme Court ang mga petisyong kumukuwestiyon sa voting threshold o bilang ng boto na kailangan para mahatulan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa Korte Suprema, procedural grounds ang dahilan ng pagbasura, kabilang ang kawalan umano ng standing ng mga petitioner at pagiging premature ng mga inihain nilang kaso.

Dahil dito, hindi na tinalakay ng Korte ang mga substantive issues na nakapaloob sa mga petisyon, kabilang ang mga argumento hinggil sa itinakdang bilang ng boto para sa conviction.

Inilabas ang desisyon habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Senado, na nagsisilbing impeachment court.

Samantala, humingi ng komento ang Supreme Court sa Office of the President, Senado, House of Representatives at Comelec kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Nobyembre 2028.

-- ADVERTISEMENT --

Inihain ni election lawyer Romulo Macalintal ang petisyon para ipahinto ang pagpapatupad ng Republic Act 12326, na nagpaliban sa BSKE na nakatakda sana ngayong Nobyembre at nagtakda ng susunod na halalan sa 2028.

Sa ilalim ng batas, itinakda rin sa limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.

Kinuwestiyon ni Macalintal ang naturang postponement, na aniya ay masyadong mahaba at nakaaapekto sa karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga opisyal.