
Maaaring kilalanin bilang co-owners o kapwa nila pagmamay-ari ang isang ari-arian ang same-sex couples o may parehong kasarian na nagsasama sa ilalim ng Article 148 ng Family Code kung mapapatunayan na may aktuwal na kontribusyon, ayon sa ruling ng Korte Suprema.
Sa desisyon ng Second Division ng Korte Suprema na isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, pinagbigyan ang reklamo ng dating partner para sa hatian ng ari-arian, kung saan kinilala siya na co-owner ng bahay at lupa na nagbigay siya ng share sa kanyang same-sex partner.
Sa isang taon na relasyon ng dalawang babae, nakabili sila ng bahay at lupa sa Quezon City at nagkasundo na ipangalan ito sa pangalan ng kanyang partner para umusad ang bangking transactions.
Subalit naghiwalay ang dalawa at nagkasundo na ibenta ang ari-arian at pantay ang hatian sa mapagbebentahan.
Ayon sa SC, pumirma ang isang partner ng Acknowledgement na nagsabi na nagbayad ang isa ng 50 percent sa purchase at renovation.
Subalit nagbago ang kanyang desisyon at ayaw na niyang ibenta ang bahay at lupa at itinanggi na co-owner ang kanyang dating partner.
Para protektahan ang kanyang interest, naglagay ng annotation ang dating partner sa adverse claim sa titulo at hiniling ang hatian sa ari-arian.
Nang mabigo ito, naghain siya ng kaso sa Regional Trial Court, at ginamit ang Acknowledgement bilang patunay sa co-ownership.
Ayon sa Korte Suprema, ibinasura ng RTC ang kaso dahil sa kawalan ng proof of contribution at ipinag-utos na magbayad ng danyos, habang pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC subalit binaliktad ang pagbibigay ng danyos.
Naghain ng apela ang dalawang partido sa Korte Suprema, kung saan binaliktad ang desisyon ng dalawang korte.
Nilinaw ng Korte Suprema ang mga probisyon sa Family Code na sumasaklaw sa property relations ng hindi ikinasal na nagsasama sa iisang bubong.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na maaaring gamitin ang Article 148 sa couples na hindi pwedeng ikasal, at ang mga ari-arian na nabili sa pamamagitan ng actual contribution ay ikokonsidera na common property.










