
Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa pagiging naaayon sa Saligang Batas ng Republic Act No. 12232 na nagtatakda sa termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials sa apat na taon.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez, nakasaad na hindi saklaw ng three-year term limit ang mga barangay at SK officials gaya ng ipinatutupad sa ibang elective local officials.
Naghain ng petisyon ang ilang indibidwal kabilang na ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na nagsabing invalid ang batas dahil sa pagkabigong sumunod sa guidelines sa pagpapaliban ng halalan.
Sinabi rin ng petitioners na nilabag ng bagong batas ang karapatan ng taumbayan na makaboto at pumabor din ito sa mga kasalukuyang opisyal.
Pero sabi ng Kataas-taasang Hukuman, ang Kongreso ang may tanging kapangyarihan na magtakda ng termino ng mga barangay officials.
Sa ilalim ng bagong batas, isasagawa sa unang Lunes ng November 2026 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) at idaraos kada apat na taon.










