Suportado ng Korte Suprema ang bagong memorandum mula sa Office of the Ombudsman na nagpapahintulot sa mas malayang pag-access sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon sa Korte Suprema, kinikilala nito ang karapatan ng publiko sa impormasyon, kabilang ang mga dokumentong nasa kustodiya ng Hudikatura, basta’t alinsunod ito sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Batay sa naunang patakaran, maaaring humiling ng kopya ng SALN, Personal Data Sheet (PDS), at Curriculum Vitae (CV) ng mga mahistrado sa pamamagitan ng Clerk of Court, at ito ay kailangang aprubahan ng Court En Banc.

Ang mga kahilingan ay kailangang isumite sa pamamagitan ng nakatakdang request form na makukuha sa opisyal na website ng Korte Suprema. Dapat ring ilahad ang partikular na layunin ng paggamit ng hinihiling na impormasyon. Para naman sa mga mamamahayag, kinakailangan ang patunay ng kanilang media affiliation at accreditation.

Sa kasalukuyan, inaayos na ng Korte Suprema ang mga alituntunin at porma para sa pagproseso ng mga request ng impormasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ayon sa Civil Service Commission, tungkulin ng head ng personnel o HR office ng mga ahensya na ipadala ang orihinal na kopya ng SALN sa kaukulang tanggapan. Para sa mga mahistrado ng Korte Suprema, ang Clerk of Court ang siyang itinalagang repository office ng kanilang SALN.