Iginiit ng House prosecution panel na hindi naapektuhan ang kanilang kredibilidad sa kabila ng affidavit at testimonya ng 18 kargador kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, maraming hindi pagkakatugma sa mga pahayag ng mga dating Marino na malinaw na nakita ng publiko. Aniya, nananatiling tapat sa integridad at serbisyo publiko ang 11 House prosecutors.

Sinabi rin ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co na mas kinuwestiyon ng publiko ang kredibilidad ng mga testigo kaysa sa mga prosecutor. Binigyang-diin niya na magpapatuloy ang panel sa pagtupad sa proseso ng pananagutan.

Samantala, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na nakatuon ang impeachment trial sa ebidensiyang ihaharap sa Senado at sa mamamayang Pilipino, hindi sa mga isyung naglilihis sa usapin.

Tiniyak ng prosecution panel na handa silang humarap sa impeachment court sa pre-trial conference sa Hunyo 18 at sa paglilitis na itinakda sa Hulyo 6.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hinimok naman ni Rep. Co ang mga paaralan, law schools, komunidad at civil society groups na magdaos ng watch parties at talakayan kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Co, mahalagang masubaybayan at maunawaan ng publiko ang proseso ng paglilitis sa pamamagitan ng mga livestream at pampublikong diskusyon, sa halip na umasa lamang sa mga ulat at interpretasyon ng iba.

Sinang-ayunan ito ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, na nanawagan sa mga paaralan, lalo na sa mga law school, na magsagawa ng mga aktibidad upang mas maipaliwanag sa mga estudyante at mamamayan ang proseso ng impeachment.

Binigyang-diin ni Co na ang maayos na paglilitis at pananagutan ng mga opisyal ay mahalaga para sa kinabukasan ng kabataan. Aniya, patuloy nilang isusulong ang malawak na partisipasyon ng publiko at ang agarang pagpapatuloy ng impeachment trial.