
Kinuwestyon ng kampo ng dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kredibilidad ni state witness at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo kaugnay ng umano’y flood control anomaly.
Ayon sa abogado ni Revilla na si Reody Balisi, hindi umano naging tapat si Bernardo sa kanyang papel sa kaso ng P92.8 milyong malversation at graft na may kinalaman sa flood control project sa Pandi, Bulacan.
Batay sa naunang testimoniya ni Bernardo, personal umano niyang inihatid ang P250 milyong “commitment fee” o kickback kay Revilla para sa mga proyektong nais nitong pondohan sa ilalim ng 2025 national budget. May karagdagang P250 milyon din umano na ibinigay sa pamamagitan ng driver ni Bernardo na si Vergel Niño Garcia.
Dahil dito, sinabi ni Balisi na lumalalim ang mga tanong sa tunay na papel ni Bernardo sa kaso—kung siya ba ay simpleng state witness lamang o may mas malawak pang partisipasyon kaysa sa inilalahad sa korte.
Giit pa ng kampo ni Revilla, umaasa sila na ang Sandiganbayan ay magpapasya batay sa mga kredible at matibay na ebidensya.
Nauna nang sinabi ni Balisi na tila “nag-self destruct” si Bernardo matapos nitong pangalanan si dating House appropriations chair Zaldy Co bilang umano’y nasa likod ng anomalya nang tanungin ng mga mahistrado ng Sandiganbayan.
Samantala, sinabi naman ni Bernardo sa anti-graft court na nagdesisyon siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang matigil ang umano’y “ghost projects” na anomalya.










