Ikinabahala ng mga residente ng Barangay San Agustin, Malabon ang hindi pangkaraniwang kulay puti ng tubig-baha na mistulang gatas bandang alas-9 ng umaga nitong Sabado.

Tumagal ito ng halos tatlong oras bago nawala ang puti sa tubig.

Ayon sa mga residente, wala namang naobserbahang kakaibang amoy o lagkit sa tubig, ngunit ikinabahala pa rin nila ang kakaibang itsura nito.

Inatasan ng Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office ang health department na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng kulay puting baha.

Isa sa mga tinitingnang dahilan ay ang posibleng pagtatapon ng kemikal mula sa mga kalapit na pabrika.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, lumala rin ang problema sa basura sa lungsod matapos makakuha ng halos 300 sako ng kalat ngunit marami pa rin ang naiwan sa mga kalsada.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga kinauukulan ang totoong sanhi ng hindi pangkaraniwang kulay ng baha.