Nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang kuta ng New People’s Army at ibat-ibang gamit pang-digma sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Ito ay kasunod ng halos sampung minutong sagupaan ng militar at rebelde sa Barangay Disulap madaling araw ng Sabdo de Gloria.

Sa kalatas na ipinadala sa Bombo Radyo, nakaengkwentro ng mga sundalo ng 95th Infantry Battalion sa ilalim ng 502nd brigade ang mga rebelde sa pinaigting na pagpapatrolya ng kasundaluhan dahil sa nakalap na impormasyon sa umanoy pangingikil ng mga miyembro ng NPA sa Brgy Disulap at mga karatig nitong Brgy.

Malaki umano ang paniniwala ng militar na may mga namatay sa panig ng rebelde dahil sa nakitang binubuhat ng kanilang mga kasamahan habang sila’y tumatakas papunta sa bulubunduking bahagi ng San Mariano.

Nasamsam sa lugar ang isang mataas na kalibre na baril, iba’t ibang gamit panggiyera at mga duguang gamit pangmedical at mga damit ng mga Rebelde na naiwan sa nasabing temporary na kampo ng mga NPA.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri naman ni Major General Pablo M Lorenzo, Commander ng 5th Infantry (Star) Division, ang 502nd Infantry Brigade at ang 95th Infantry Battalion dahil sa patuloy na pagtugis nila sa mga rebelde at para magkaroon ng mapayapang eleksyon sa San Mariano, Isabela.

Dagdag pa ni Major General Lorenzo “mas lalo pang paiigtingin ng mga kasundaluhan ng 5ID ang kanilang operasyon nang magkaroon ng mapayapa at tahimik na eleksyon, hindi lamang sa Lalawigan ng Isabela, kundi sa buong nasasakupan ng 5ID.