Binomba ng F-16 fighter jet ng Thailand ang mga targets sa Cambodia ngayong araw na ito, sa gitna ng ilang linggo nang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa dahil sa border dispute.

Ayon sa ulat, dalawang sibilyan na ang namatay sa labanan ng dalawang bansa.

Sinabi ng Thai army, sinira umano ng fighter jet ang military target sa Cambodia.

Kapwa nagtuturuan ang dalawang bansa na sila ang nagsimula ng labanan.

Ayon kay Thai army deputy spokesperson Richa Suksuwanon, gumamit sila ng air power laban sa militaqry targets.

-- ADVERTISEMENT --

Isinara na rin ng Thailand ang lahat ng border nila sa Cambodia.

Sinabi naman ng defense ministry ng Cambodia, nagbagsak ng dalawang bomba ang jets ng Thailand sa kalsada.

Kasabay nito, mariing kinondena ng Cambodia ang anila’y brutal na military aggression laban sa soberenya at territorial integrity ng kanilang bansa.

Ang labanan sa pagitan ng dalawang bansa ay kasunod ng pagpapauwi ng Thailand sa kanilang ambassador sa Camboadia kahapon, matapos na maputulan ng paa ang isang sundalo dahil sa sumabog na landmine na itinanim umano ng tropa ng Cambodia sa pinag-aagawang teritoryo.

Sinabi ng foreign ministry ng Thailand na nagpakawala ang tropa ng Cambodia ng artillery sa Thai military base kaninang umaga at pinuntriya din ang civilian areas kabilang ang isang ospital, na dahilan ng casualties

Binigyang-diin ng nasabing ministry ng Thailand na handa ang kanilang bansa na palakasin pa ang mga hakbang laban sa Cambodia kung ipagpapatuloy nito ang kanilang pag-atake at paglabag sa kanilang soberenya.

Kaugnay nito, maraming mamamayan ng Thailand ang nagtago sa mga shelters upang maiwasan na madamay sa labanan.

Sa mahigit isang siglo, maraming lugar ang pinag-aagawan ng dalawang bansa kabilang ang land border, na nagbunsod ng ilang taon na sagupaan at may ilan na ring nasawi, kabilang ang isang linggo na palitan ng artillery noong 2011.

Sumiklab ang panibagong labanan sa pagitan ng dalawang bansa kasunod ng pagpatay sa isang sundalo ng Cambodia sa palitan ng putok ng baril, na nagresulta sa diplomatic crisis at ngayon ay sagupaan.