Naiuwi at nakaburol na sa Tuguegarao City at Cordillera Administrative Region ang tatlong sundalo na kabilang sa 11 nasawi sa sa labanan ng militar at Abu Sayyaf Group sa Brgy Danag, Patikul, Sulu.

Kaninang tanghali (April 19) nang lumapag sa Tuguegarao City Airport ang eroplano na lulan ang mga labi nina PFC Jomel Pagulayan ng Brgy. Cataggaman Pardo, Tuguegarao City; CPL Rasul Ao-as ng Pasil Kalinga; at PFC Benson Bongguic ng Brgy Guina-ang, Conner, Apayao.

Naging emosyonal ang mga pamilya na sumalubong sa mga labi ng kanilang kaanak, gayundin ang ang mga opisyal ng PNP at AFP kung saan ginawaran ang tatlong sundalo ng foyer honors sa kanilang pagdating.

Nagkaroon din ng maikling seremonya sa airport at dinala sa isang funeral home sa lungsod bago iniuwi sa kanilang lugar.

Habang nakatakda namang ilipat sa araw ng Miyerkules ang mga labi ni PFC Pagulayan sa bahay ng kanyang asawa sa Alicia, Isabela na kasalukuyang nilalamayan sa isang funeral homes sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang pa sa mga sundalong nasawi mula sa Region II ay sina SSg. Jayson Gazzingan ng Brangay San Rafael East, Sta Maria, Isabela at Cpl. Ernesto Bautista Jr. ng Brangay Naguilian Sur, Ilagan City, Isabela na sinalubong at binigyan ng military honors sa Cauayan City Airport.

Dahil sa pangyayari, inilagay sa half-mast ng buong 5th Infantry Division, Philippine Army ang kanilang mga bandila bilang pakikipagdalamhati sa pagkasawi ng 11 sundalo sa engkwentro, at pagbibigay-pugay sa kanilang kabayanihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, tiniyak ni Major Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th ID ang tulong na ibibigay ng AFP sa mga naulilang pamilya ng mga tinaguriang fallen heroes.