TUGUEGARAO CITY- Maayos na naihatid sa huling hantungan kaninang umaga ang labi ng isang lalaki matapos itong buwis buhay na itawid sa gitna ng rumaragasang tubig sa ilog gamit ang balsa sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Sinabi ni Genevie Sumaoang, pamangkin ng namatay na si Nelson Sumaoang, nailibing na sa sementeryo sa San Jose ang labi ng kanyang tiyuhin.
Ayon kay Genevie, ipagpapaliban sana ng pamilya ang libing dahil sa mataas na lebel ng tubig sa ilog bunsod ng ilang araw na pag-ulan subalit itinuloy nila ito dahil sa marami ang nagboluntaryo na tumulong na gumawa ng balsa at itawid ang kabaong sa rumaragasang ilog mula Sitio Birong.
Sinabi ni Genevie na bukod sa bangkay ay tumawid din sa ilog ang nasa 50 katao na kinabibilangan ng kanilang pamilya, mga kamag-anak at iba pang nakilibing.
Kaugnay nito, sinabi ni Genevie na wala silang ibang daanan kundi sa ilog kaya pahirapan ang pagtawid dito kung ito ay tumataas dahil ang kanilang ginagamit ay balsa, pinalobong mga supot o kaya ay salbabida.
Dahil dito, umaapela sila sa kanilang lokal na pamahalaan na matulungan sila upang maibsan ang kanilang hirap sa pagtawid sa ilog.
Namatay ang tiyuhin ni Genevie noong March 31 dahil sa sakit at ngayong araw ang schedule ng kanyang libing.