TUGUEGARAO CITY-Naiuwi na ang bangkay ng isa sa dalawang miembro ng New People’s Army na namatay sa engkwentro noong Pebrero 13 sa Barangay Santa Margarita, Baggao, Cagayan.

Sinabi ni PCAPT Jackelyn Urian ng PNP Baggao na kinuha ng pamilya ang mga labi ni Ka Paulo at pina-cremate sa Isabela bago inuwi ang abo sa kanilang lugar sa Pangasinan.

Ayon kay Urian, pagkakita ng mga magulang sa bangkay ay naghinagpis ang mga ito dahil sa wala umano silang kamalay-malay na sumapi siya sa rebeldeng grupo.

Sinabi ni Urian na batay sa pahayag ng kapatid ni Ka Paulo ay may komunikasyon naman sila sa pamamagitan ng messenger at sinasabi sa kanya na may ginagawa siya para sa kanyang kurso na AB Filipino sa University of the Philippines.

Ayon naman sa ina, alam nila na isang aktibista ang anak dahil sa sumasali siya sa mga rallies subalit hindi sila makapaniwala na isa na siyang NPA.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na unang nag-aral si Ka Paulo sa De La Salle University bago siya lumipat sa UP.

Samantala, sinabi ni Urian na wala pang umaako sa isa pang bangkay na si Ka Sisoy na tubong Davao Del Norte.

Ayon kay Urian, may tumawag na umano sa 5th Infantry Division at sinabing posibleng kaanak nila ang namatay.

Subalit, sinabi niya na kung walang magiging desisyon ang mga kaanak kukunin ang bangkay ay ililibing na ito sa Huwebes.

Matatandaan na sa magkasunod na engkwentro, bukod sa dalawang namatay ay sugatan din ang isang Filipino-Japanese na ngayon ay nagpapagaling na sa kustodiya ng 5th ID.