Inilibing na sa Caloocan City ngayong Sabado ang labi ng walong biktima ng war on drugs noong administrasyong Duterte.

Idinaos ang inurnment sa Dambana ng Paghilom sa La Loma Catholic Cemetery, kung saan dumalo ang mga kaanak ng mga biktima kasama sina 2025 Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flavie Villanueva at Buhay ang People Power Campaign Network co-convenor Kiko Aquino Dee.

Ang seremonya ay nagsilbi ring pagtatapos ng “Justice for All” campaign, isang kilusan na nanawagan ng pananagutan sa mga insidente ng extrajudicial killings.

Sinimulan ang kampanya noong Agosto 17 bilang paggunita sa ikawalong anibersaryo ng pagkamatay ni Kian delos Santos, isa sa mga pinakatampok na biktima ng war on drugs.

Batay sa tala ng pamahalaan, mahigit 6,000 drug suspects ang nasawi sa mga operasyon ng pulisya sa ilalim ng dating administrasyon, ngunit ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, maaaring umabot sa 30,000 ang kabuuang bilang ng mga napatay dahil sa mga hindi naiuulat na insidente.

-- ADVERTISEMENT --