Naiuwi na ang mga labi ni PMAJ Ranolfo Gabatin, hepe ng Santa Ana Municipal Police Station, 48-anyos sa bayan ng Santa Teresita, Cagayan kaninang pasado 12 a.m.

Una rito, binawian ng buhay sa ospital si Gabatin kagabi matapos ang ilang oras kasunod ng aksidente sa Sitio Limbus, Brgy. Rapuli, Sta Ana, Cagayan.

Kaugnay nito, sinabi ni PCapt Sheila Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, sa paunang pagsisiyasat ng PNP Santa Ana, binabagtas ni Gabatin ang hilagang direksyon ng kalsada kung saan nasa unahan nito ang Toyota Hi-Ace Commuter van na minamaneho ni Joseph Munzon, 56-anyos, magsasaka, at residente ng Sitio Racat Brgy. Rapuli sa naturang bayan.

Nag-signal at bumusina umano si Gabatin para mag-overtake dahil sa mabagal na pagpapatakbo ng van.

Subalit nang makalampas na sa van at akmang babalik na sana sa dating linya ang hepe, bigla na lamang binilisan ng van ang takbo nito dahilan upang mabangga nito ang likurang bahagi ng sasakyan ng hepe hanggang sa mawalan ito ng kontrol sa kanyang sasakyan at bumaligtad.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na unang dinala sa ospital sa Santa Ana, subalit agad na inilipat sa isang private hospital sa Tuguegarao City, kung siya nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Sinabi ni Fronda na sumuko ang driver ng van sa Santa Ana MPS, kung saan sinabi niya na binangga ni Gabatin ang kanyang sasakyan.

Subalit, sa imbestigasyon ay ang van ang bumangga sa sasakyan ni Gabatin.

Sinabi niya na inihahanda na ang mga dokumento para sa isasampang kaso laban sa driver ng van.