Isasaalang-alang na ng Estados Unidos ang obesity, ‘o labis na katabaan ng aplikante, at ang pagkakaroon ng anak na may special needs sa proseso ng pag-apruba ng mga immigrant visa.

Ayon kay Secretary of State Marco Rubio, titingnan ng mga embahada kung kailangan ng aplikante o dependents nito ng pangmatagalang pangangalaga na makakaapekto sa kanilang pagtatrabaho.

Aniya, para ito sa nagnanais na permanenteng lumipat sa US at hindi sa pansamantalang pagbisita.

Layunin lang umano ng gobyerno na matiyak na hindi magiging pabigat sa sistema ng buwis ang mga aplikante.

Kasabay nito, pinaigting ng administrasyong Trump ang pagpapatupad ng batas sa imigrasyon, kabilang ang pagtukoy sa mga lumalabag sa US foreign policy, at pagpapabilis ng deportasyon ng mga undocumented migrant.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa 40% ng populasyon ng US ang obese, isa sa pinakamataas sa buong mundo, kaya tututukan ng pamahalaan ang kondisyong ito sa pag-apruba ng visa.