
Muling nagkaroon ng mainitang sagutan sa plenaryo ng Senado sina Panfilo Lacson at Rodante Marcoleta matapos punahin ni Marcoleta ang kawalan umano ng opisyal na committee report kasunod ng serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga alegadong anomalya sa flood control projects sa bansa.
Ayon kay Lacson, naipamahagi na sa mga senador ang inisyal na ulat ng komite at bawat isa ay may kopyang may watermark ng kani-kanilang opisina.
Aniya, ginawa ito ng kanyang tanggapan upang maiwasan ang pag-leak ng dokumento, matapos na may naunang inisyal na ulat na kumalat noong nakaraan.
Gayunman, iginiit ni Marcoleta na may kakulangan ang ulat ng komite, partikular ang umano’y hindi pagsama ng ilang mahahalagang pangalan gaya ni Lucas Bersamin, na dating nagsilbing pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office.
Inungkat din ni Marcoleta ang paratang na siya ay umano’y pro-China, na aniya’y ibinabato ng ilan niyang kapwa senador kabilang si Lacson.
Samantala, sinabi ni Marcoleta na magsasagawa siya ng pagdinig sa Marso 12 hinggil sa usapin ng West Philippine Sea at sa hangganan ng teritoryo ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.
Inimbitahan sa naturang pagdinig ang mga kinatawan ng National Mapping and Resource Information Authority, Philippine Coast Guard, at Philippine Navy, gayundin si dating mahistrado ng Supreme Court of the Philippines na si Antonio Carpio.
Gayunman, ayon kay Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, hindi makakadalo sa nasabing pagdinig ang mga inimbitahang ahensiya at personalidad.
Dahil dito, iginiit ni Lacson na tila kinukumpirma ni Marcoleta ang isang bagay na hindi pa naman aniya nakukumpirma.










