
Kinuwestiyon ni Senador Panfilo ”Ping” Lacson nitong Linggo ang plano umano ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipatawag sa pamamagitan ng subpoena ang asawa ni Senador Ronald dela Rosa upang matunton ang kinaroroonan ng mambabatas, na umano’y tinutugis kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang post sa social media, tinawag ni Lacson na “trabahong-tamad” at indikasyon ng mahinang intelligence work ang nasabing hakbang.
Giit ng mambabatas na hindi kailangan na idamay ang asawa ng senador, na si Nancy Dela Rosa, sa paghahanap kay Bato.
“Please don’t do this. Aside from exposing your incompetence in intelligence work, harassing Senator dela Rosa’s wife to track him is unprofessional, ‘trabahong-tamad,’” pahayag ni Lacson sa post.
Pabirong ding sinabi ng dating hepe ng Philippine National Police na handa pa siyang “magpasok” ng karagdagang intelligence funds para sa NBI sa panukalang 2027 national budget.
Nauna rito, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad na mag-isyu ng subpoena kay Nancy Dela Rosa at sa iba pang indibidwal na may kaugnayan o nakipag-ugnayan kamakailan kay Sen. Bato.
Nilinaw naman ni Matibag na hindi umano layunin ng subpoena na direktang tukuyin ang kinaroroonan ni Dela Rosa.
Ayon sa kanya, bahagi lamang ito ng imbestigasyon kaugnay ng ulat na nagpadala umano si Nancy ng text message kay Senate President Alan Peter Cayetano nang umalis ang senador sa Senado noong Mayo 13.
Sinabi pa ng NBI na sinusuri rin nila kung ginamit umano ang insidente ng pamamaril sa Senado bilang distraction upang makatakas si Dela Rosa, at kung sino ang maaaring nag-utos nito.




